Maraming
dahilan kung bakit nagpupunta o naglalakbay ang isang tao sa iba't ibang lugar.
May mga ilan na nalilibot ang iba't ibang rehiyon ng isang bansa dahil
kailangan sa kanilang trabaho. Ang iba naman ay dahil nais lang nila na
maglibang. Habang ang iba ay nais makalimot.
Meron din naman na naglalakbay
dahil iyon ang kanilang paraan
upang makabawi sa pagod at tensyion ng mundo. Lumilibot naman sa iba't ibang
lugar ang iba para makahanap ng bagong tahanan samantala, para sa iba ang
paglalakbay ay isang simpleng pamamasyal at bakasyon lamang. Ang ilan naman ay
ninais maglakbay upang makita ang iba't ibang anyo at kagandahan ng kalikasan.
Ang iba naman ay para makasama ang kanilang pamilya o mga kaibigan. Meron din
naman naglalakbay dahil sya ay may mahalagang misyon na dapat isakatuparan. Habang
may ilan naman ay piniling ilayo pansamantala ang kanilang sarili sa gulo't
salimuot ng kanilang kasalukuyang sitwasyon. Ang ibang manlalakbay naman ay
naghahanap ng tahimik na lugar upang sila ay makapagnilay nilay habang ang iba
ay naglalakbay upang maibahagi sa ibang tao ang kanilang mga karanasan. Pwede
rin naman na napilitan lang maglakbay ang isang tao upang sa gayo'y mapagbigyan
ang isang kahilingan. Marami rin naman na naglalakbay para alamin ang
kasaysayan ng kahapon habang ang iba naman ay para mabalikan ang sarili nilang
nakaraan.
Ano man ang dahilan ng tao sa
paglalakbay o pamamasyal, may isang bagay na naidudulot ito sa kanyang buhay. Sa
bawat paglalakad, sa bawat hakbang, may naiiwan na alaala, mga bakas ng
lumipas.
Ngayon araw na ito, Hunyo 12, 2014, ipinagdiriwang ang
ika-116 taon ng kasarinlan ng ating minamahal na bansa—ang Pilipinas. Sa araw
na ito ay naisip ko rin na simulan ang isang “blog” kung saan
maibabahagi ko ang ilan sa mga lugar sa Pilipinas na dapat sana ay tayong mga
Pilipino ang unang makasulyap; mga lugar na naging saksi sa nakaraan ng ating
inang bayan; kultura at kasaysayan ng ating bansa na sana ay di malimutan ng
kasalukayan at darating pang henerasyon; ang kagandahan ng ating mga isla, karagatan,
mga likas yaman na sana ay ating pagyamanin at alagaan; mga kwento sa likod ng paglalakbay; mga aral na natutunan; mga tao na nakadaupang palad at iba pa.
At dahil ngayon ay Philippine Independence Day, nais kong balikan
ang makasaysayang pagdiriwang ng ika-100 taon ng kalayaan ng Pilipinas o ang
"Philippine Centennial Celebration" noong taong 1998. Ito ang panimula ng "blognikutitap"
Labing walong taong gulang pa lamang ako noong ipagdiwang
ang ika-sandaang taon ng kalayaan ng Pilipinas. Ang aming pamilya, sa pasimuno
ng aking panganay na kapatid ay negdesisyon na makisama sa “Philippine
Centennial Celebration.” Pinuntahan namin ang lumang bahay kastila sa
Intramuros; dumaan sa sikat na Manila Cathedral; naglibot sa Fort Santiago at
Luneta. Inabangan din namin at sinaksihan ang parada at nakiisa sa iba pang mga
Pilipino sa panonood ng “fireworks display” sa may Manila Bay.
Sabi nga ng ate ko, isang beses lang ang pagdiriwang ng
sandaang taon ng Philippine Independence at ang susunod na sandaang taon ay
paniguradong hindi na aabutan ng kasalukuyang henerasyon kaya salamat na lamang
at ako, ang aking pamilya ay nakidiwang sa nasabing okasyon.
No comments:
Post a Comment