Naalala
ko noong nabubuhay pa ang aking ama, madalas nyang mabanggit ang probinsya ng
Bataan sa tuwing naikukwento nya ang kasaysayan ng Pilipinas, lalo na noong
panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Noong mga panahon na iyon, hindi ko
naisip o hinangad na mapuntahan ang nasabing probinsya. Hindi nga sumagi sa
isip ko na ang Bataan ay isa pala sa mga lugar na dapat puntahan ng isang
Pilipinong tulad ko.
Isang
araw matapos ipagdiwang ng ating bansa ang Araw ng Kagitingan nitong nakalipas
na Abril 9, 2014, tumulak kami ng aking mga kaibigan sa Bataan. Ang nasabing lugar
ay hindi lamang sagana sa magagandang tanawin at karagatan kundi mayaman din sa
kasaysayan. Sang-ayon na rin sa kwento ng aking tatay, sa lugar na ito naganap
ang ilan sa mga mahahalagang pangyayari noong ikalawang digmaang pandaigdig;
ang lugar na ito ay naging saksi sa madilim na yugto ng kasaysayan ng ating
bansa.
Sa
limitadong oras/araw na inilagi namin sa Bataan, hindi ko pinalagpas ang
pagkakataon na makita ang sinasabi nilang "Zero Kilometer Death March Marker" (km00) sa Bagac, Bataan. Sang-ayon
sa kasaysayan, sa lugar na ito nag-umpisa ang trahedya ng mga Filipino at
Amerikanong sundalo noong ikalawang digmaan. Ayon sa nabasa ko, kasabay ng
ginawang pagsuko ng mga Amerikano sa Bataan ay ang anim na araw na pagpapahirap
sa mga sundalong Filipino at Amerikano sa tinaguriang Death March. Ito
ay sapilitang pagmamartsa na nagdulot ng matinding pahirap sa mga sundalong
napabilang dito. Ang mga sundalong Filipino at Amerikano na lumaban para sa
depensa ng Bataan ay itinuring ng mga Hapon na mga bilanggo ng digmaan (prisoners
of war). Sila ay pinaglakad mula Mariveles, Bataan
papuntang Camp O’Donnell sa norte. 55 milya ang kailanganin lakarin mula
Mariveles papuntang San Fernando, matapos noon ay tren naman papuntang Capas at
mula sa Capas, ang mga bilanggo ay maglalakad muli ng mga 8 milya patungong
Camp O’Donnell, ang kampo na syang magsisilbing kulungan ng mga bilanggo ng
digmaan.
Di
kalayuan mula sa km00 makikita naman ang “Bayonet (with helmet) Symbol.”
Nakakalungkot na wala man lang maikiling deskripsyon sa nasabing simbolo.
Bago naman tumulak ang aming grupo papuntang
Dambana ng Kagitingan, dinaanan namin ang “Japan-Philippine Friendship Tower.” Ito ay sumisimbolo na matapos ang digmaan, ang kapayapaan at pagkakasundo ng dalawang bansa ay
possible pa rin.
Matapos ang pagtatanong, narating din namin ang “Mt. Samat National Shrine” o Dambana ng
Kagitingan (Shrine of Valour), kung saan
makikita ang isang napakalaking “Memorial
Cross.” Ito ay itinayo bilang pagkilala at pag-alala sa
kagitingan ng mga sundalong Filipino at Amerikano noong ikalawang digmaang
pandaigdig. Meron din museo sa nasabing lugar kung saan makikita ang iba’t
ibang memorabilia, larawan noong WWII.
At sa aming biyahe pabalik ng Maynila, nadaanan naman namin ang Hot Air Baloon Festival...
No comments:
Post a Comment